LEGAZPI CITY, ALBAY , Philippines -– Dead-on-the-spot ang isang guro habang nasa malubha namang kalagayan ang 70-anyos na ina nito at dalawang anak matapos silang looban, kahapon ng madaling araw sa Zone 3, Brgy. Panoypoyan, Bula, Camarines Sur.
Nakilala ang nasawi na si Noreen Navo, 34, guro sa Sto. Niño Elementary School, habang ang mga sugatan na kaagad naman na isinugod sa ospital ay sina Amparo Navo, 70; mga anak ni Noreen na sina Albert Navo, 9 at Micah Navo, 4.
Agad namang nasakote ng mga awtoridad sa loob ng Bula Central School kahapon ng umaga sa isinagawang follow up operation ang isa sa mga suspect na kinilalang si Luis Relativo, 34, at residente rin sa naturang lugar.
Sa ulat ng pulisya ang insidente ay naganap sa pagitan ng ala-1:00 hanggang alas- 2:00 ng madaling araw habang ang mga biktima ay kasalukuyang natutulog sa loob ng kanilang bahay.
Sinasabing pumasok ang suspek at agad na hinampas sa ulo si Noreen na kahit tuliro na ay nagawa pa nitong makasigaw upang humingi ng tulong sa kanyang mga kasamahan sa loob ng bahay.
Ngunit maging ang ina nito na 70-anyos at ang dalawang anak ay hindi rin nakaligtas sa kamay ng suspek.
Kahit sugatan ay nakalabas ng bahay 9-anyos na biktima at humingi ng tulong.
Kaagad naman na rumesponde sa lugar ang mga awtoridad na nagsugod sa mga biktima sa pagamutan, gayunman nasawi rin si Noreen.
Sa isinagawang follow up operation ng mga awtoridad nasakote sa loob ng Bula Central School kahapon ng umaga ang suspek na si Relativo.