BULACAN , Philippines - Tinatayang aabot sa P16-milyong halaga ng bigas ng National Food Authority na inihahalo sa commercial rice ang nasamsam ng mga operatiba ng pulisya sa isinagawang pagsalakay sa malaking bodega sa pribadong subdivision sa Barangay Tikay, Malolos City, Bulacan kahapon ng umaga
Nahaharap sa patung-patong na kasong kriminal ang nakatakas na may-ari ng Purefeeds Corporation na si Jomerito “Jojo” Soliman ng First Industrial City, Brgy. Tikay sa naturang bayan.
Sa ulat na isinumite ni P/Chief Insp. Reynaldo Magdaluyo ng Team Bulacan - CIDG kay CIDG Director P/Gen. Benjamin Magalong, ni-raid ng mga operatiba ang bonded warehouse ni Soliman kung saan naka-imbak ang may 13,000 sakong bigas ng NFA na sinasabing pinapalitan ng sakong may markang commercial rice.
Natagpuan din sa nasabing warehouse ang mga sakong bigas mula sa Thailand at Malaysia na pinaniniwalaang iniimbak muna pansamantala saka papalitan ng mga sako ng bigas mula sa lokal na produkto kung saan ibinebenta sa mas mataas na presyo sa mga pamilihang bayan.
Kinumpiska rin ang limang 10-wheeler truck na may mga plakang RLK-861, RLR-741, TDR-183, PQO-782, at UVQ-929 kung saan kargado ng saku-sakong bigas ng NFA mula sa Cavite.
Lumilitaw sa pagsusuri na ang sakong may markang commercial rice ay mga NFA rice kung saan naibebenta sa mas mataas na presyo.
Ayon pa sa ulat, pinaniniwalaan naman may matinding koneksyon ang suspek sa ilang opisyal ng NFA kaya naisasagawa ang rice hoarding.