BULACAN, Philippines - - Napaslang ang 15-anyos na high school student matapos itong agawan ng motorsiklo ay pinagbabaril pa ng dalawang notoryus na karnaper sa bahagi ng Barangay Balasing sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan kamakalawa ng umaga. Naisugod pa sa Rogasciano M. Mercado Memorial Hospital subalit namatay din ang biktimang si Edriann Sarmiento, 4th year high school at nakatira sa Barangay Balasing sa nabanggit na bayan. Pinaghahanap ng pulisya ang mga suspek na sina Michael Sayo at Francisco Manalo na nakilala ng ilang testigo sa naganap na krimen. Sa imbestigasyon ng pulisya, papasok na sa school ang biktimang lulan ng motorsiklo kung saan kaangkas nito ang kanyang dalawang kapatid nang harangin ng mga suspek. Nanlaban ang biktima kaya pinutukan siya ng mga suspek saka tinangay ang kanyang motorbike habang hindi naman idinamay ang dalawang utol ng biktima.