Marines vs Abu: 7 sundalo, 9 Abu patay

MANILA, Philippines - Pitong sundalo at 9 na bandidong Abu Sayyaf ang napaslang habang 13 naman ang nasugatan makaraang magsagupa ang tropa ng Philippine Marines at mga bandidong Abu Sayyaf sa bayan ng Patikul, Sulu kahapon ng umaga.

Ayon kay Lt. Col. Ramon Zagala II, hepe ng AFP Public Affairs Office, dakong alas-6:20 ng uma­ga habang nagpapatrolya ang mga sundalo nang makasagupa ang grupo ng mga bandido sa liblib na bahagi ng Barangay Kagay.

Sa nasabing bakbakan ay napaslang ang isang opisyal ng Philippine Marines na pansamantalang hindi muna tinukoy ang pag­kakakilanlan hangga’t hindi naipapaalam sa pamilya nito.

Gayon pa man, sampung minuto ang naka­lipas ay muling nagsagupa magkabilang panig at napatay ang anim pang sundalo habang 13 naman ang nasugatan sa Barangay Kabbon-Takas sa nasabing bayan.

Kabilang naman sa 13 sugatan ay nasa kritikal na kondisyon na inilipad na ng chopper patungong Camp Navarro General Hospital habang nagpapatuloy ang pagtugis sa mga bandido.

 

Show comments