LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Napaslang ang 63-anyos na retiradong pulis matapos ratratin ng mga rebeldeng New People’s Army sa harap ng kanyang anak sa Barangay Malinao, bayan ng Donsol, Sorsogon kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Dante Buetes ng Barangay Binisitahan sa nabanggit na bayan. Base sa police report, sakay ng habal-habal ang biktima at anak nitong si Danrey nang parahin ng mga rebelde ang sasakyan. Pinababa ang biktima saka pinagbabaril sa harap ng kanyang anak na lalaki at driver ng habal-habal. Hindi naman ginalaw ang anak ng biktima at maging ang driver ng sasakyan kung saan naglakad palayo ang mga rebelde na animo’y walang naganap na pamamaril.