Nag-amok na mister, utas sa parak

Rizal, Philippines – Isang 49 anyos na mister ang nabaril at na­patay ng mga nagrespon­deng operatiba ng pulisya matapos itong masangkot sa walang habas na pagpapaputok ng baril sa San Mateo ng lalawigang ito.

Kinilala ang suspek na si Larry Lorena, 49, dating empleyado ng mutual benefits ng AFP, at residente ng AFP Housing, Barangay Silangan, San Mateo, Rizal.

Ayon kay San Mateo Police Chief Col. Lucilo Laguna Jr., dakong alas-4 ng hapon ng Biyernes nang bigla na lamang nag-ikot sa mga kalsada at nagpaputok ng kalibre .9-mm na baril ang suspek sa kanilang lugar.

Agad namang rumes­ponde ang mga awtoridad pero ilang ulit pa ring nagpapaputok ng baril ang suspek saka nagkulong sa loob ng kanilang bahay kasama ang 10 anyos na anak na babae.

Nilinaw naman ng mga awtoridad na hindi hinostage ng suspek ang kaniyang anak na bagaman sa kabila ng kanilang pakiusap ay nagmatigas na sumuko at patuloy pa rin sa pagpapaputok kung saan hindi naman sila makaganti  dahilan baka tamaan ang batang anak nito.

Gayunman, bago mag-alas-4 ng madaling araw ay lumabas  ng bahay ang suspek pero sa halip na sumuko ay pinaputukan umano nitong muli ang mga pulis na gumanti na humantong sa kamatayan nito.

 

Show comments