Magpipinsan pinugutan, inilibing

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Tatlong bangkay ng magpipinsang walang ulo ang natagpuan sa mababaw na hukay sa pribadong lupain sa Barangay Tanza, bayan ng Aurora sa Isabela kamakalawa. 


Kinilala ni P/Senior Insp. Sherwin Concha, hepe ng Aurora PNP ang mga biktima na sina Gabiel Ternio, 29; Johnny Languit, 19; at si Noel Te-od, 18, mga nakatira sa bayan ng Pinuk­pok, Kalinga.


Sa pagsusuri ng mga imbestigador ng pulisya, ang mga biktima na sinasabing nawawala noong pang Mayo 3 ay may palatandaang pi­nahirapan, gutay-gutay ang katawan at ilan sa mga bahagi nito ay nawawala.


Nabatid din na pinaghihinalaan ang mga biktima na sangkot sa sindikato ng carnapping subalit itinanggi naman ng mga kaanak nito.

Ayon sa pulisya, ang mga bangkay ng biktima ay nahukay sa bakanteng lote na pag-aari ng isang alyas Bienvenido Abalos matapos ipaabot ng ilang opisyal ng barangay sa kinatagpuan ng tatlo.

Show comments