Magsasaka dinedo sa barangay hall

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - – Napatay ang 59-an­yos na magsasaka makaraang barilin ng di-kilalang lalaki sa bakuran ng barangay hall malapit sa peryahan sa  Barangay Napaliong, bayan ng Jones, Isabela kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa ulo ang biktimang si Romeo Miguel habang tinamaan naman ng ligaw na bala ang 14-anyos na si Rick John Gabriela. Ayon kay P/Chief Insp. Benjamin Agcaoili, hepe ng Jones PNP, nakaupo ang biktima sa harapan ng barangay hall nang lapitan at binaril sa likuran ng kanyang ulo. Sugatan naman ang tinedyer na si Gabriela na may tama sa likod kung saan naisugod naman sa Prospero Bello Memorial Hospital. Sinasabing nakatatanggap ng pagbabanta sa buhay ang biktima kaya may bitbit itong baril kung saan sinisilip ng pulisya ang anggulong alitan sa lupang sinasasaka.

Show comments