MANILA, Philippines - Makilala, North Cotabato - Narekober ng tropa ng mga sundalo ang apat na Improvised Explosive Device (IED) o pampasabog na pinaniniwalaang naiwan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa liblib na bahagi ng Brgy. Luna Sur, Makilala, North Cotabato kamakalawa.
Ayon kay Captain Ernest Carolina, Spokesman ng Army’s 10th Infantry Division (ID), bandang alas-6 ng umaga ng matagpuan sa lugar ang mga pampasabog na nakasabit sa sanga ng isang punong kahoy.
Sinabi ni Carolina na isang sibilyan ang nakakita sa nasabing mga eksplosibo na agad naman nitong ipinagbigay alam sa mga elemento ng Peace and Development Team ng Army’s 39th Infantry Battalion (IB).
Agad namang nagresponde ang tropa ng mga Explosive and Ordnance Division (EOD) ng 39th IB at narekober ang mga bomba bago pa man ito sumabog at makapinsala.
Pinaniniwalaan namang target ng pampasabog ang mga sundalong nagsasagawa ng patrol operations sa naturang lugar.
Isinailalim na sa kustodya ng EOD ng 39th IB ang mga narekober na bomba para sa kaukulang disposisyon.