Inmate utas sa jailguard

MANILA, Philippines - Isang inmate ang nasawi makaraang barilin nang magtangkang mag-agaw ng baril sa isa sa mga escorts nitong jailguard sa Northern Samar sub-provincial jail sa bayan ng Allen ng lalawigan kamakalawa.

Kinilala ang nasawing inmate na si Gerry Espera, 39 anyos, dead-on-the-spot sa tinamong mga tama ng bala sa ulo at dibdib.

Sa ulat ni Provincial Jail Warden Benito Lim, sinabi nito na dakong alas-8 ng umaga habang eeskortan ng mga jailguard si Espera para iharap sa Allen Regional Trial Court (RTC) kaugnay ng kaso nitong abduction with rape ng mangyari ang insidente sa nasabing piitan.

Ayon sa imbestigasyon, bigla na lamang tinangka umanong agawin ni Espera ang M16 rifle ng isa sa mga jailguard na escort nito na kinilala lamang sa apelyidong Jail Officer 1 Espada.

Naalerto naman ang isa pang jailguard na si Nick Magdaraoag na agad binunot ang kaniyang baril saka pinaputukan ng sunud-sunod si Espera.

Nabatid na si Espera ay isang nadismis na military intelligence officer ay nahaharap rin sa iba pang kasong kriminal kaugnay naman ng pagkakapatay kay Fr. Cecilio Lucero, isang human rights activist sa lalawigan noong Setyembre 6, 2009.

 

Show comments