Kap nakumpiskahan ng shabu sa Aklan

MANILA, Philippines –  Sa kulungan ang bagsak ng isang kapitan ng barangay matapos makumpiskahan ng ilegal na droga sa loob ng kanyang bahay sa Aklan.

Nakilala ang suspek na si Isidro Mayor Bune na kapitan ng Barangay Pinamuk-an, New Washington, Aklan.

Sa bisa ng search warrant na inilabas ni Executive Judge Marietta Homena ng Kalibo Regional Trial Court branch 6 ay hinalughog ng pinagsamang puwersa ng Provincial Intelligence Board (PIB), Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (PAIDSOTF) at Provincial Public Safety Company (PPSC) ang bahay ng 40-anyos na si Bune.

Umabot sa 10 pakete ng shabu ang nabawi mula sa bahay ng suspek nitong kamakalawa lamang bandang alas-10 ng umaga.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Bune habang inihahanda ang mga isasampang kaso.

Show comments