Mag-ina nilamon ng apoy

CAVITE, Philippines – Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng mag-ina makaraang makulong sa nasusunog na bahay sa Barangay Sta. Fe, Dasmariñas City, Cavite kahapon ng madaling araw. Sa ulat ni P03 Paulo Figueroa, bandang alas-3 ng madaling araw nang magsimulang masunog ang bahay ng mga biktimang sina Susan Reglos, 37; at John Joey Reglos, 7, ng Block 10, Lot 22 sa nasabing barangay. Nabatid na magkakatabing natutulog ang mag-ina kasama ang asawang si Joey nang kumalat ang apoy sa kanilang bahay kung saan nadamay ding nasunog ang mga bahay nina Amil Reglos, Gomercindo Jacob, at Ruelito Arzandon. Naapula naman ang sunog bandang alas-3:45 ng madaling araw. Nakaligtas naman ang mister ni Susan habang aabot naman sa P2 milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy.

Show comments