BULACAN, Philippines - – Kalaboso ang tatlong miyembro ng sindikato makaraang makumpiskahan ng mga pekeng US Treasury Bond sa inilatag na operasyon kahapon sa Barangay Tibag, bayan ng Pulilan, Bulacan.
Sumasailalim sa tactical interrogation bago sampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek na sina Rodolfo Tero, 57, retiradong enlisted personnel ng Phil.Army; Arsenio Ubatay, 57, mga nakatira sa Barangay San Benito, San Pablo, Laguna; at si Avelina Buag, 60, ng Barangay Malhacan, Meycauayan City, Bulacan.
Sa ulat na nakarating kay P/CInsp. Reynaldo Magdaluyo ng CIDT-Bulacan, nasakote ang mga suspek sa inilatag ang entrapment opeÂration matapos magreklamo ang isang trader na tinangkang bentahan ng mga pekeng US Treasury Bond na nagkakahalaga ng US$3 trilyon.
Nasamsam sa mga suspek ang baul na tanso na naglalaman ng 13-tansong kahon ng US Treasury Bond na may tatak na Treaty of Versailes ng Federal Reserved Bank ng New York, New York, 3-pekeng gold coin ng U.S. Department of Treasury, 4 green card na nagkakaÂhalaga ng US$.4 milyon, mga larawan nina Pres. Barack Obama at suspek na si Tero, iba’t ibang dokumento at ang kotse (WLU-110) na ginamit sa modus operandi.
Kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang pulisya sa U.S. Embassy sa Manila kaugnay sa nakumpiskang mga pekeng US Treasury Bond.