MANILA, Philippines - Nagsilbing bangungot ang isa sanang masayang island hopping matapos masakote ng intelligence operatives ng militar at pulisÂya ang itinuturing na mataas na lider ng CPP- New People’s Army (CPP-NPA) habang nagliliwaliw kasama ang kaniyang nobya sa beach resort ng Davao City, Davao del Sur kahapon ng umaga.
Kinilala ni Captain Alberto Caber, spokesman ng AFP-Eastern Mindanao Command ang suspek na si Roy Erecre alyas Ka Toto/Pasyong, secretary ng Central Visayas Regional Committee ng CPP-NPA sa nasabing lungsod.
Si Erecre na inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu Regional Trial Court ng Cebu at Bohol kaugnay ng pamamaslang sa mga sibilyan at tropa ng militar sa Bohol noong 1990 at noong unang bahagi ng 2000 ay may patong sa ulo na P 5.4 milyon.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad kaugnay sa presensya ni Erecre at ng kasintahan nitong si Judith Jaron-Niog na nag-island hopping sa magagandang beaches at mga lugar na dinarayo ng mga turista sa Davao.
Sa tala ng AFP si Erecre ang namuno sa ambush at pagkakapatay sa dalawang batang opisyal ng Phil Army na may mga apelyidong Lt. Que at Lt. Bungaos sa bayan ng Carmen, Bohol.