Mag-asawa kinatay ng kapitbahay

RIZAL, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng mag-asawa habang malubha naman ang isa pa makaraang  pagtatagain ng kapitbahay na lalaki habang natutulog sa kanilang bahay sa Barangay Tandang Kutyo, bayan ng Tanay, Rizal kahapon ng mada­ling araw.

Kinilala ang mga biktima na sina Fedelino Valencia, 50; at Babylyn Valencia, 42, kapwa nakatira sa Sitio Rawang sa nasabing bayan habang ginagamot naman  sa ospital si Jayme Valencia, 12.

Nasakote naman ang suspek na si Henry Barcelona Jr., 21, kapitbahay ng mga biktima.

Sa ulat ni PO2 Mark Anthony Lopez ng Tanay PNP, naganap ang krimen bandang alas-2 ng mada­ling araw sa bahay ng mga biktima.

Napag-alamang may matagal ng alitan sina Fedelino at Barcelona kaugnay sa pinagtatalunang lupain kung saan nagtanim ng galit ang suspek.

Tiniyempuhang tulog ang pamilya Valencia saka pinasok at pinagtataga ng suspek ang mga biktima.

Sa isinagawang follow-up operation ng Tanay PNP ay nadakip naman ang suspek kung saan pormal na kakasuhan.

Show comments