MANILA, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang biyuda matapos itong pagnakawan ay tinadtad pa ng saksak ng kanyang kapitbahay na kawatan kamakalawa ng gabi sa Barangay Tumaga, Zamboanga City. Sa ulat na nakarating kay P/Senior Inspector Robert Ortega, PNP regional spokesman, ang bangkay ng biktimang si Isidra Rudy ay natagpuan sa loob ng palikuran na nakatali ng packing tape at tadtad ng mga saksak partikular na sa dibdib. Natukoy naman at pinaghahanap ang suspek na si Niño Fernando ng Malangas, Zamboanga del Sur. Samantala, nawawala naman ang hindi pa madeterminang halaga ng pera at alahas mula sa bahay ng biktima. Bago ang insidente ay nagkaroon ng argumento ang biktima at ang suspek sa bisinidad ng Sta. Maria Barangay Hall na nasaksihan pa ng ilang residente.