MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang iniligtas ng kaniyang suot na agimat ang isang mister makaraan itong pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan kamakalawa sa paggunita sa Semana Santa sa Brgy. Dinasan. Dalman, Zamboanga del Norte.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 9, bandang alas 8 ng gabi nang puntiryahin ng pamamaril si Roland Villejo, 35 anyos habang naglalakad sa nasabing lugar pauwi sa kanilang tahanan.
Bigla na lamang umanong lumabas mula sa pinagtataguang damuhan ang mga suspek saka pinagbabaril ang biktima na tinarget sa katawan ng 10 beses o higit pa ng bala ng homemade shotgun.
Gayunman, sa pahayag ng nasabing mister, tila inilagan siya ng mga bala na tumalbog at hindi bumaon sa kaniyang katawan dahilan sa suot umano niyang agimat na matagal na niyang iniingatan na pamana pa ng kaniyang lolo at inoorasyunan tuwing Biyernes Santo.
Sa teorya naman ng mga awtoridad, duda ang mga ito sa sinasabing agimat ng nasabing mister at bagaman maraming mga balang narekober sa crime scene ay hindi umano asintado ang mga suspek.