MANILA, Philippines - Tatlong pinaghihinalaang miyembro ng big time robbery at hijacking gang ang napaslang sa barilan sa bigong pagtatangka na holdapin ang isang delivery van ng sigarilyo sa Cavite kahapon ng hapon.
Sinabi ni Chief Inspector Gil Torralba, chief of police ng Silang, kasalukuyan pa nilang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga napatay na suspek.
Bandang ala-1:50 ng hapon nang maganap ang naudlot na panghoholdap ng mga suspek sa isang delivery van sa Dasmariñas City ng lalawigan.
Ayon kay Torralba, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa nabulilyasong panghoholdap ng mga suspek sa delivery van kung saan agad niyang pinakilos ang kanyang mga tauhan.
Inihayag ni Torralba na ‘foiled robbery holdup’ ang naganap matapos na pumalag ang driver ng delivery van na nakaparada sa may palengke ng lungsod kung saan may nakapansin sa komosyon na agad namang itinawag ang insidente sa pulisya.
Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis at inabutan ang tinutugis na mga suspek na magkakaangkas sa motorsiklo sa Brgy. Sabutan kung saan nagkaroon ng umano ng shootout sa pagitan ng magkabilang panig.
Sa kasagsagan ng palitan ng putok, tumimbuwang ang tatlong suspek na pawang nasawi sa barilan.
Narekober sa pinangyarihan ng shootout ang isang caliber .45 pistol at dalawang 38 revolver pistol.