Minahan gumuho 3 minero dedo!

MANILA, Philippines - Nalibing nang buhay ang tatlong minero habang dalawa naman ang nakaligtas makaraang matabunan ng  bato at putik sa gumuhong illegal na minahan ng ginto sa Brgy. Dulangan Magdiwang, Sibuyan, Romblon kahapon,  Miyerkules Santo.

Kinilala ang mga nasawi na sina Samuel Rapada, 50; Ryan Rapada Indonila, 29 at Noriel Rapada Indonila, 25, na pawang  residente sa naturang barangay. Dalawa sa kanilang kasamahan na na-trap sa loob ng mining site na kanilang hinuhukay ang matagumpay na nailigtas.

Sa ulat ni Sr. Supt. Danilo Abadiano, direktor ng Romblon Provincial Police Office (PPO), naganap ang pagguho sa hinuhukay na tunnel ng naturang mga minero sa nasabing lugar bandang alas – 9 ng umaga.

Ayon kay Abadiano, ang pagguho ng tunnel ng minahan  na pag-aari ng negosyanteng si Sixto Rustia ay pinaniniwalaang sanhi ng paglambot ng lupa bunga naman ng tuluy-tuloy na pag-ulan sa lugar.

Sa isang radio interview, sinabi naman ni Romblon Gov. Eduardo Firmalo, illegal ang minahan na gumuho kaya maging ang mga opisyal ay hindi agad nabigyan ng impormasyon ukol sa pangyayari.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.

Show comments