MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang 51-anyos na Sanggunian Bayan member ng mga armadong kalalakihan sa naganap na ambush sa kahabaan ng highway sa Barangay Raba, bayan ng Godod, Zamboanga del Norte kamakalawa.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang lulan ang biktimang si Arthur Buaya ng puting Suzuki 125 (JH 9961) pauwi nang pagbabarilin ng mga armadong suspek pagsapit sa nasabing lugar.
Sa ulat ni P/Senior Inspector Robert Ortega , spokesman ng PRO-9, naganap ang insidente sa Purok 2 sa nasabing barangay dakong alas-7 ng umaga.
Samantalang bago ang insidente ay ilang kahinahinalang kalalakihan ang namataang nag-aabang sa target na opisyal.
Ang biktima ay duguang tumilapon sa motorsiklo at pagbagsak sa lupa ay muling niratrat ng mga suspek saka mabilis na nagsitakas patungo sa direksyon ng Brgy. Banuangan.
Pinaniniwalaan namang pulitika ang motibo ng krimen habang patuloy ang imbestigasyon.