MANILA, Philippines - Umaabot sa 2,000 pamilya ang naapektuhan habang aabot naman sa P15-M ang pinsala sa sunog na tumupok sa may 1,000 kabahayan sa tatlong barangay sa Davao City kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Region 11 Director Loreto Rirao, ang sunog ay nagsimula sa bahay ng isang alyas Tisay Mohammad sa Isla Verde Boulevard ng lungsod dakong alas-8:12 ng gabi.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na isang napabayaang kandila ang pinagmulan ng apoy mula sa bahay ni Mohammad na mabilis na kumalat sa katabi nitong mga kabahayan.
Sinabi ni Rirao na ang sunog ay tumagal ng may limang oras na tumupok sa may 1,000 kabahayan matapos na umabot ang sunog sa katabi nitong dalawa pang lugar na kinabibilangan ng Brgy. 22-C at Brgy. 23 –C ng naturang siyudad.
Ang mga nasunog na kabahayan, ayon pa sa opisÂyal ay pawang gawa sa mahihinang uri ng materyales. Inilikas naman sa Quezon Elementary School ang nasa 2,000 mga pamilyang naapektuhan ng sunog na aabot sa P15 M ang pinsala sa inisyal na pagtaya.Samantala, nasa 50 hektarÂyang taniman naman ang natupok sa sunog sa kagubatan ng Mt. Upao sa lalawigan ng Iloilo bandang alas-2 ng hapon kamakalawa.