CAVITE, Philippines - Napatay ang 56-anyos na negosyante matapos itong holdapin at barilin ng mga armadong lalaki kamakalawa ng tanghali sa tapat mismo ng kanyang grocery sa Barangay Poblacion 4, bayan ng Silang, Cavite. Napuruhan sa ulo ang biktimang si Alberto Balintag, may asawa at may-ari ng Celbert Grocery habang hindi naman sinaktan ang kasama nitong pamangking si Ross Russel Gonzales. Sa police report na nakarating kay P/Chief Inspector Tisado Torralba, lumilitaw na patungong banko ang magtiyuhin para mag-deposit ng malaking halaga nang harangin at holdapin ng mga armadong lalaki. Gayon pa man, pumalag ang biktima kaya isa sa mga holdaper ang bumaril sa kanya saka inagaw ang maliit na bag na naglalaman ng P2 milyon cash. Bineberipika naman ng pulisya ang may-ari ng kotseng may plakang TML-827 na ginamit ng mga holdaper na nakuha sa CCTV camera footage.