Bangka lumubog: 2 bata patay, 1 pa nawawala

BATANGAS , Philippines  - Dalawang bata ang iniulat na namatay sa pagkalunod habang nawawala naman ang 66-anyos na lolo matapos lumubog ang kanilang bangka sa Taal Lake na sakop ng bayan ng San Nicolas, Batangas kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Senior Supt. Omega Jireh Fidel, Batangas PNP director ang dalawang bata na sina Joseph Medina, 2; at Krizza Marie Ramos, 4, kapwa nakatira sa Barangay Alas-As sa nabanggit na bayan habang nawawala naman si Lorenzo de Villar, Jr.

Sa police report na nakarating sa hepe ng  San Nicolas PNP na si P/Senior Inspector Ernesto Chavez, papauwi na ang mga biktima kasama ang pitong iba pa matapos dumalo ng graduation rites sa bayan ng Balete nang tumaob ang kanilang bangka bandang alas- 7:40 ng gabi.

Nabatid na habang naglalayag ang bangka ay sinubukan umanong abutin ng isang bata ang lobong lumulutang sa lawa hanggang sa mawalan ng balanse ang sasakyan at tuluyang tumaob.

“Mukhang overloaded kasi sa ganoong kaliit na bangka ay 4 hanggang 5-katao lang dapat ang sakay pero sampu sila lahat,” paliwanag ni Chavez

Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy ang paghahanap ng mga tauhan ng San Nicolas PNP, Municipal Disaster & Risk Reduction Management Council at Phil. Coast Guard sa nawawalang matanda.

Sinikap pang isalba ng mga rescue team ang dalawang bata pero idineklarang patay nang isugod sa Batangas Provincial Hospital.

 

Show comments