Finance officer, 2 pa hinoldap; P.2-M tangay

BULACAN, Philippines – Muli na namang sumalakay ang isang grupo ng motorcycle riding criminals matapos nilang holdapin ang tatlong katao kabilang ang isang finance officer ng kilalang establisim­yento sa Brgy. Poblacion, Sta. Maria, Bulacan kamakalawa ng umaga­.

Halos nakatulala pa ng magpunta sa himpilan ng pulisya upang mag-ulat ang mga biktimang sina Esperanza Del Rosario, 42, ng Brgy. Guyong, finance officer; Conniel Tongol at Brix Tablang, pawang mga empleyado ng Emilio S. Lim Appliances Center na nasa Brgy. Poblacion sa bayang ito .

Nakilala naman ng mga biktima ang isa sa suspek na si Ronan Gabriel y Drio nang ipakita sa kanila ang mga larawan ng mga kriminal sa rouge gallery ng pulisya.

Base sa imbestigasyon ni PO2 Joey Cabarles,  dakong alas-10:00 ng umaga habang naglalakad ang mga biktima papuntang Banco De Oro sa naturang ding lugar upang ideposito ang halagang P221,879  na kita sa loob ng dalawang araw ng kanilang kumpanya nang bigla na lamang silang tabihan ng mga suspek lulan ng dalawang motorsiklo. Agad na tinutukan ng mga suspek ng baril ang mga biktima at pu­wersahang kinuha ang bag na naglalaman ng nasabing pera at saka mabilis na nagsitakas patungo sa direksyon ng Central Elementary School sa nasabi ring lugar.

 

Show comments