MANILA, Philippines - Bumagsak na sa kamay ng mga awtoridad ang magkapatid na pinaniniwalaang big time drug dealers matapos na salakayin ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang bahay sa Sakap Road, Barangay Panungayan Uno, Mendez, Cavite kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Reynato at Daniel Chin, umano’y kapatid ni Albert Chin, na nauna nang naaresto sa Subic, Zambales ng nakalipas na taon matapos masamsaman sa huli ang may 400 kilo ng shabu na tinatayang may market value na P2 bilyon.
Armado ng search warrant na inisyu ni Judge Aurelio Icasiano Jr. ng Regional Trial Court Branch 23 ng Trece Martires, Cavite, sinalakay ng NBI sa pakikipag-ugnayan sa Cavite Police ang bahay ng magkapatid na Chin sa nasabing lugar. Hindi na nakaporma pa ang magkapatid na suspek nang biglang pasukin at ransakin ng mga awtoridad ang bahay. Nasamsam ang hindi pa matiyak na rami ng hinihinalang drugs, mga sasakyan at motorsiklo at ang mga CCTV na nakakalat sa buong kabahayan.
Nadiskubre rin ng mga awtoridad ang mga basement at kahina-hinalang lagusan sa loob ng bahay kung saan nakuha pa sa ilang lagusan ang mga hinihinalang shabu.