CAMARINES NORTE , Philippines – Apat na minero ang napatay matapos pagbabarilin ng walong miyembro ng Sagip-Kalikasan Task Force sa naganap na masaker sa Barangay Gata, Caramoan, Camarines Sur noong Sabado ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Insp. Chester Pomar ang mga biktima na sina Salen Virtus, 24; Jessie Brondia, 34; Julio Lubiano, 31; at kapatid nito na si Rene Lubiano, 28, pawang nakatira sa nasabing barangay.
Nasakote naman ng pinagsanib na puwersa ng Caramoan PNP, Provincial Public Safety Company at ng tropa ng 42nd Infantry at 9th Infantry Division ng Phil. Army ang mga suspek na sina Joel “Bay†Breso, Angelo Refran, Luis Palaganas Jr., 46; Saetiel Pielago, 33; Jonah Bolima, 38; Servillano Espares Jr., 27; Florencio Vargas, 29; at Francisco Tria III, 55, bisor ng 4th district Sagip Kalikasan Task Force at dating konsehal sa bayan ng Sangay, Camarines Sur.
Lumilitaw na nagsasagawa ng pagmimina sa nasabing lugar ang mga biktima kahit may natanggap na silang babala sa Sagip Kalikasan Task Force.
Gayon pa man, nakiusap ang isang opisyal ng barangay sa Task Force Sagip Kalikasan na bigyan ng ilang araw ang mga biktima dahil sa mahirap mangisda dulot ng masamang panahon.
Sinasabing binalewala ng mga suspek ang pakiusap ng barangay opisyal saka niratrat ang mga biktima.
Nasakote naman ang mga suspek sa inilatag na checkpoint sa kahabaan ng Gov. Fuentebella Highway sa Barangay Ilawod ng nasabing bayan.