Nurse nilikida ng tandem

MANILA, Philippines - Kamatayan ang ibinayad sa 25-anyos na nurse habang grabeng nasugatan ang driver ng traysikel na sinasakyan nito matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem gunmen sa bahagi ng Barangay Dilan Paurido, Urdaneta City, Pangasinan kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Urdaneta City PNP Chief P/Supt. Jeff Estanga Fanged ang biktima na si Marco Mondala ng Barangay Poblacion sa nasabing lungsod.

Si Mondala ay idineklarang patay sa pagamutan dahil sa mga tinamong tama ng bala sa leeg, kaliwang balikat, at tiyan.

Nagtamo naman ng tama ng bala sa hita at kaliwang paa ang drayber na si Marcos Espanto, 43, ng Barangay Caboluan sa nasabing lungsod.

Base sa imbestigasyon, binabagtas ng dalawang biktima na lulan ng traysikel ang kahabaan ng Urdaneta-Asingan Road nang pagbabarilin ng tandem.

Sa pahayag ng  mga nakasaksi, kalalagpas lamang ng traysikel na sinasakyan ng mga biktima sa Urdaneta City Garden Resort nang pagbabarilin  kung saan mabilis na tumakas ang gunmen patungo sa direksyon ng Dilan-Paurido.

Sa follow-up operations ay nasakote naman ang isa sa mga suspek na si Arturo Niegos, miyembro ng Duyag gun-for-hire na nakumpiskahan ng cal. 45 pistol.

Show comments