Political adviser ni Sen. Recto patay

BATANGAS, Philippines - - Nagimbal ang mga residente ng Lipa City matapos matagpuan patay ang isa sa mga polical adviser ni Senator Ralph Recto sa loob ng kanyang bahay sa Barangay San Sebastian noong Huwebes ng umaga.

Nakalugmok pa sa palikuran ang biktimang si Francisco “Pancho” Lardi­zabal, 67, dating hepe ng Batangas Provincial Tou­rism Office nang matagpuan bandang alas-8 ng umaga, ayon sa Lipa PNP

Batay sa police report, nakatanggap ng tawag ang Lipa PNP bandang alas-9:30 ng umaga mula sa kasambahay ni Lardizabal na si Teresita Maandal para ipaalam ang kanyang natuklasan.

Sa salaysay ni Maandal, dumating umano siya sa bahay ni Lardizabal para maglinis pero nagtataka ito nang walang nagbubukas ng pintuan sa kabila ng kanyang matagal na pagkatok.

Kaagad na humingi ng tulong si Maandal sa boarder ni Lardizabal na si Engelberto Lizardo para buksan ang pintuan ng bahay nang masilip ng mga ito na nakabukas pa ang telebisyon ng biktima.

Laking gulat na lang ng dalawa nang makita ang bangkay ni Lardizabal na nakadapa sa loob ng palikuran.

Isinasantabi naman ng pulisya na may foul play sa pagkamatay ni Lardizabal dahil wala namang nakitang senyales ng force entry sa bahay o sugat sa katawan ng biktima.

Kinumpirma naman ni Dr. Vertido ng NBI na heart attack ang ikinamatay ni Lardizabal.

Show comments