QUEZON , Philippines - Nagkabutas-butas ang katawan ng 66-anyos na magsasaka matapos na barilin ng kaniyang kapitbahay dahil sa nawawalang alkansya kamakalawa ng hapon sa Barangay Dagatan, bayan ng Dolores, Quezon. Hindi na umabot ng buhay sa San Pablo City District Hospital ang biktimang si Oscar Rebenito habang tumakas naman ang suspek na si Efren Bañez, 37. Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-12:30 ng hapon habang nagpuputol ng mga damo ang biktima ay dumating ang suspek kung saan kinumpronta ito kaugnay sa pagkawala ng kanyang alkansya na sinasabing kinuha ng asawa nito. Itinanggi naman ng biktima ang paratang subalit pinutukan siya ng suspek makaraan ang ilang minutong pagtatalo.