SBMA-ELA inayunan ng DOLE at CSC

SUBIC BAY FREEPORT, Philippines - – Ganap nang kinilala ng Department of Labor and Employment at ng Civil Service Commission ang bagong tatag na Subic Bay Metropolitan Authority Employees Labor Association (SBMA-ELA) bilang lehitimong samahan ng mga manggagawa sa Subic Bay Freeport Zone.

Base sa ulat na inilabas DOLE at CSC noong Enero 27, 2014, itinatadhana ng mga probisyon ng Executive Order #180 at ng Implementing Rules and Regulations Governing the Exercise of the Right of Government Employees to Self-Organization.

Nakasaad sa nasabing executive order at implementing rules na ang SBMA-ELA ang representante ng mga rank-and-file employees upang maisulong ang interes ng mga miyembro ng ahensya.

Pirmado nina DOLE Secretary Rosalinda Baldoz at Civil Service Chairman Francisco Duque ang pagkilala sa SBMA-ELA na inihain naman sa tanggapan ni SBMA Chairman Roberto V. Garcia noong Lunes (Pebrero 17).

Nauna rito, tinanggal na ng SBMA management noong Enero 15 ang 20% premium salary para sa 1,800 manggagawa na pawang contract of service.

Nakapaloob sa nasabing 20% ang 13th month pay, personal equity and retirement account (PERA), cost of living allowances, leave credits, productivity at iba pang  benepisyong laan para sa mga kawani.

Tuluyan na ring tinanggal sa mga kawaning contractual ang uniform allowances mula pa noong 2013 habang ang SSS naman ay binabalikat lamang ng bawa’t kawani sa pamamagitan ng voluntary payment na walang kabahagi sa kabayaran mula sa SBMA.

Show comments