Shootout: Drug pusher dedo, 2 pulis sugatan

MANILA, Philippines - Napaslang ang itinuturing na kilabot na drug pusher habang dalawa naman sa mga operatiba ng pulisya ang nasugatan sa naganap na shootout sa Tanjay City, Negros Oriental kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni P/Senior Supt. Wilben Mayor, spokesman ni PNP Chief P/Director General Alan Purisima  ang napatay na suspek na si Marlon Silva na sinasabing gumagamit ng mga alyas Tama at Tom Jones, nakatira sa Barangay Polo sa nasabing lungsod.

Arestado naman  ang dalawa pa nitong kasamahang drug pusher na sina Agustin Ferolino Tag-at at Elber Curita.

Samantala, agad namang isinugod sa pagamutan ang mga sugatang pulis na miyembro ng Provincial Anti-Illegal Drugs and Special Operations Task Group (PAIDSOTG).

Bandang alas- 5 ng umaga nang salakayin ng arresting team mula sa pinagsanib na elemento ng 7th Regional Criminal and Detection Unit, PAIDSOTG at Tanjay City PNP ang pinagtataguan ng wanted na si Silva at ilan nitong kasamahan sa nasabing barangay.

Gayon pa man, sa halip na sumuko ay nakipagputukan si Silva sa mga operatiba ng pulisya kung saan napatay ito habang arestado naman ang dalawa pa.

Nasamsam naman sa operasyon ang apat na baril, iba’t ibang bala ng armas at ilang plastic sachet ng shabu.

Show comments