7-anyos nireyp, inutas sa sakal ng kainuman ng ama

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng 7-anyos na nene matapos itong gahasain ay sinakal at binale ang leeg nito ng kaibigan ng kanyang ama na nakipag-inuman pa bago naganap ang krimen sa Barangay Andarayan South, bayan ng Solana, Cagayan kamakalawa.

Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang suspek na si Perfecto  “Entong” Batang, 20, na kasamahan sa trabaho sa bukid ng ama ng biktimang itinago sa pangalang Remedios.

Sa ulat ni P/Chief Insp. Alberto Calimag, hepe ng Solano PNP, natagpuan ng mga magulang ng biktima ang duguang saplot ng suspek sa kuwarto matapos nilang madiskubre ang karumal-dumal na sinapit ng kanilang anak.

Naunang nakipag-inuman ang suspek sa ama ng bata sa bahay kung saan nakatulog naman ang mag-asawa.

Sinasabing binuhat ng suspek ang bata mula sa tabi ng mga magulang nito kung saan ibinaba sa suwelo ng bahay saka isinagawa ang maitim na balak bago pinatay sa sakal ang nene.

Nabatid na nag-alok ng P.1 milyong pabuya si Solana Mayor Meynard Jojo Carag para sa anumang impormasyon sa kinaroroonan ng suspek.

Show comments