Tiyo utas sa pamangkin dahil sa tasa ng kape

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Dahil lamang sa hindi iniligpit na pinagkapehan hindi inakala ng 52-anyos na magsasaka ang kanyang maagang kamatayan makaraang mabaril ng kanyang pamangkin sa Barangay Marcos, bayan ng Roxas, Isabela kamakalawa.


Kinilala ni P/Chief Insp. Nelson Vallejo ang biktima na si Guillermo Salvatiera habang malubha naman ang pamangkin nitong si Rey Tolentino, 38, kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.

Sa police report na nakarating kay Vallejo, magkasamang umiinom ng kape ang magtiyuhin nang magtalo sa pagliligpit ng kanilang mga tasa. 


Dahil sa matinding galit ay tinangkang barilin ng biktima ang kanyang pamangkin subalit nauwi sa pambuno hanggang sa pumutok ang baril na tumama naman sa tagiliran ng katawan ng suspek.

Gayon pa man, tina­maan sa ulo ang biktima sa ikalawang putok ng baril matapos magpambuno.

Kasalukuyang nasa malubhang kalagayan sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City, ang suspek habang nawawala naman ang baril nang dumating sa crime scene ang pulisya.

 

Show comments