TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - - Hindi lang may sakit at mga biktima ng sakuna ang inihahatid ng 42- anyos na drayber ng ambulansiyang konektado sa Provincial Health Office kundi shabu na rin sa mga sugapa sa droga matapos itong masakote sa inilatag na buy-bust operation ng pulisya sa bahagi ng Barangay Dagupan West sa Tabuk City, Kalinga kamakalawa. Ayon kay Kalinga PNP spokesman P/Supt. Petronilo Guidangen, pormal namang kinasuhan ang suspek na si Leonardo Madagsen Nalog, kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Kalinga. Nabatid na isinailalim sa pagmamatyag ang suspek dahil sa pagpapakalat nito ng bawal na droga. Nasamsam sa suspek ang 18- plastic heat sealed sachets ng shabu matapos ang buy-bust operation sa loob ng Kester Agageo Billard Hall sa Tabuk City.