NUEVA ECIJA, Philippines – Magkasunod na namatay ang 82-anyos na lolo at ang kanyang 79-anyos na misis sa kanilang nirerentaÂhang apartment sa Bumatay Building, Barangay Sibut sa San Jose City, Nueva Ecija noong Linggo ng gabi.
Sa ulat ng San Jose City PNP, kamamatay lang ng mag-asawang Casimiro Sudario y Grospe at Teresita Sudario y Espiritu nang matagpuan ng kanilang mga kapitbahay.
Base sa pagsusuri ng Scene of the Crime OpeÂratives (SOCO) at ng mga doktor, katandaan ang ikinamatay ng mag-asawa at walang palatandaang may foul play.
Nabatid pa sa pagsisiyasat ng pulisya, naunang namatay si Lolo Casimiro base sa salaysay ng 13-anyos na si Avegail Silvestre matapos nitong matagpuan itong wala nang buhay bandang alas-5:30 ng hapon.
Nabatid na inutusan ni Lola Teresita si Avegail na bumili ng load sa tindahan upang tawagan at ipaalam ang pagkamatay ni Lolo Casimiro sa kanilang anak na nakatira sa Maynila.
Matapos makausap ni Lola Teresita ang anak na nasa Maynila bandang alas-7 ng gabi ay namatay na ito, ayon pa sa ulat.
Wala naman balak ang pamilya ng mag-asawa na isailalim pa sa awtopsiya ang bangkay ng mag-asawa, base sa pahayag ng utol ni Lolo Casimiro na si Dionisio Sudario, 77, isang retiradong US Army, ng Lupao, Nueva Ecija.
Dahil sa magkasunod na namatay ang mag-asawa ay masasabing mahal na mahal nila ang isa’t-isa hanggang sa kamatayan, pahayag pa ni Lolo Dionisio.