6 Sayyaf utas sa militar

MANILA, Philippines - Anim na miyembro ng bandidong Abu Sayyaf Group ang napaslang habang sugatan naman ang ilang lider ng ektremistang grupo at anim na miyembro ng Barangay Police Auxiliary Team sa naganap na matinding bakbakan sa liblib na bahagi ng Barangay Mabahay, bayan ng Talipao, Sulu kamakalawa.

Sa ulat ni Col. Jose Johriel Cenabre, commander ng 2nd Marine Brigade at Task Force Sulu, nakasagupa ng mga sundalo at mga tauhan at BPAT ang mga armadong bandido dakong alas-10:30 ng umaga.

Bahagyang humupa ang bakbakan subalit muling nagpatuloy dakong alas- 4 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi kung saan napatay ang anim na Abu Sayyaf.

Samantala, napaulat na sugatan sina Abu Sayyaf Commander Yasser Igasan at ASG sub-leader Rakib “Tikboy” Gala at maraming iba pa sa panig ng mga bandido.

Gayundin ang anim na miyembro ng BPAT ang sugatang isinugod sa ospital.

Nabatid na nagkuta ang grupo ng dalawang lider ng mga bandido matapos abandonahin ng grupo ni Moro National Liberation Front Commander Habier Malik ang kanilang kampo. 

Si Malik ay wanted sa batas kaugnay ng pamumuno sa madugong Zamboanga City siege noong Setyembre 2013.

Nagpapatuloy naman ang operasyon upang malansag ang mga nalalabi pang bandidong Abu Say­yaf sa Sulu.

 

Show comments