QUEZON, Philippines - – Isa na namang barangay chairman ang napatay habang dalawang iba pa ang nasugatan matapos pagbabarilin ng dalawang di-kilalang lalaki sa bahagi ng Barangay Tala, bayan ng San Andres, Quezon kamakalawa ng umaga. Napuruhan sa ulo si Chairman Moises Tawatao habang naisugod naman sa Bondoc Peninsula District Hospital ang anak nitong si Jasper Tawatao, 10, nagtamo ng tama ng bala sa kanang paa at ang bystander na si Aldrin Ariola, 37. Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nasa loob ng bahay ang biktima nang dumating ang dalawang di-kilalang lalaki kung saan hinahanap ang misis nito kaugnay sa mga dokumentong kanilang pipirmahan.Gayon pa man, Habang nasa veranda ng bahay ang biktima ay umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril. Bagama’t sugatan ay nagawang makatakbo ng biktima patungo sa kanyang kuwarto subalit sinundan ito ng gunmen saka muling pinutukan.