17 BIFF rebs patay sa bakbakan

MANILA, Philippines - Aabot sa 17 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang napatay kasunod nang ini­lunsad na law enforcement offensive ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya sa pagsiklab ng mainitang bakbakan sa Maguindanao, ayon sa opisyal kahapon.

Sa  ulat  ng mga field com­manders na nakara­ting kay Army’s 6th Infantry Division Commander Major Gen. Romeo Gapuz, 2 sa bangkay ng BIFF ay narekober habang 15 iba pa ang tinangay naman ng mga nagsitakas na kasamahan sa umaatikabong sagupaan sa hangganan ng bayan ng Pikit, Cotabato at Shariff Saydona kahapon ng umaga.

Nabatid na sumiklab ang umaatikabong bakbakan dahil sa paghahain ng warrant of arrest laban sa mga lider at tauhan ng BIFF na sangkot sa iba’t ibang kriminalidad sa Central Mindanao.

Target ng tropa ng military at pulisya ang pinagkukutaang teritoryo ng mga rebelde sa  mga bayan ng Shariff Saydona Mustapha, Datu Piang, Sultan sa Barongis sa Maguindanao at bayan ng Pikit sa North Cotabato.

Sa panig ni Col. Dickson Hermoso, spokesman ng Army’s 6th Infantry Division na hindi nila kasama sa opensiba ang MILF pero nagpahayag ng kahandaan ang grupo na tumulong sa operasyon laban sa BIFF para sa ikatatahimik ng mga komunidad.

Ang opensiba ay inilunsad ng puwersa ng pamahalaan laban sa BIFF kaugnay ng naganap na paglagda ng GRP at MILF peace panel sa ika-4 na annex  ng isinusulong na Bangsamoro Entity sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Hanggang sa sinusulat ang balitang ito ay  nagpapatuloy ang putukan sa magkabilang panig habang mahigit naman sa 700 residente ang nagsilikas sa takot na maipit sa bakbakan.

Kaugnay nito, minaliit naman ng liderato ng MILF  ang mga banta ng pananabotahe mula sa ibang armadong grupo sa Mindanao kasunod ng pagsasapinal ng lahat ng mga “annexes” sa peace talks.

Show comments