MANILA, Philippines – Tiklo ang dalawang lalaking hinihinalang tulak ng droga sa probinsiya ng Iloilo sa sting operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Pinangalanan ni PDEA Director General Arturo Cacdac, Jr. ang mga suspek na sina Jodie Dedoroy, 46, at
Arjie Demagajes,46, na kapwa taga-Dumangas, Iloilo.
Nadakip ang dalawang suspek sa entrapment operation ng mga awtoridad sa bahay ni Dedoroy sa Barangay Aurora del Pilar, Dumangas, Iloilo noong katanghalian ng Enero 9.
Kaagad hinuli si Dedoroy matapos bentahan ng shabu ang isang undercover agent ng PDEA.
Nasabat pa ang 32 pakete ng shabu sa bahay ni Dedoroy.
Isinama sa presinto si Demagajes na naroon sa bahay nang maganap ang operasyon.
Hinihinalang ginagawang drug den ang bahay ni Dedoroy na nagsisilbing tindahan ng shabu.
Nahaharap sa patung-patong na kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Section 6 (Maintenance of a Drug Den) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kakasuhan naman ng paglabag sa Section 7 (Visitor of a Drug Den) si Demagajes.