NORTH COTABATO , Philippines - Apat-katao ang naiulat na napatay sa muling pagsiklab ng sagupaan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at miyembro ng Civilian Volunteer Organization (CVO) sa bahagi ng Barangay Lumupog, bayan ng Midsayap, North Cotabato kahapon.
Sa ulat ni 602nd Brigade Captain Antony Bulao, hinaras ng grupo ni Kumander Abas Kudanding ng 105th Based Command ng MILF ang pangkat ni Barangay Chairman Datu Rhenz Tukuran na miyembro ng CVO.
Gayon pa man, gumanti ang grupo ni Tukuran kaya sumiklab ang madugong bakbakan kung saan nagsilikas naman ang 50 pamilya para umiwas sa kaguluhan.
Kabilang sa mga napaslang ay sina Daniel Bagener at Anuaruden Sambayan na kapwa miyembro ng CVO habang ang dalawa naman sa panig ng MILF ay di-pa nakilala.
Sa hiwalay na panayam kay 6th ID Philippine Army spokesperson Dickson Hermoso, nagpadala na ng grupo ang pamahalaan at kinatawan ng MILF ceasefire committee para mamagitan kung saan nagsimula ang giyera noong Martes.