Nagbiro sa kainuman, natuluyan

TUGUEGARAO CITY, Cagayan , Philippines   - Hindi na umabot ng Bagong Taon ang 47-anyos na driver matapos hamunin ang kanyang amo na kalabitin ang gatilyo ng cal. 38 paltik kung saan pumutok sa  kanyang kanang sentido sa inumang naganap sa Barangay Caquilingan, bayan ng Cordon, Isabela kamakalawa.

Kinilala ni P/Chief Insp. Rogelio Taliping ang namatay na si Reynaldo Abalain, driver ng suspek na si Reynaldo Labinay, 60, ng nasabing barangay.

Lumalabas sa imbestigasyon na kaharap ng suspek ang biktima at iba pang bisita sa inuman para sa nalalapit na kasal ng kanyang anak.

Habang lango sa alak ang suspek ay tinutukan nito ang pamangkin sa ulo na tinabig naman ng biktima.

Sa halip ay itinutok ng bik­tima ang nguso ng baril at sinabing subukang kalabitin kung puputok pa ito.

Napatunayang gumagana pa nga ang paltik ng suspek matapos pumutok habang nakatutok sa biktima kung saan nagimbal ang mga kainuman.

Sumusuray pa rin ang suspek na inalalayan ng mga rumespondeng pulis patu­ngong presinto.

Show comments