4 holdaper arestado

BULACAN, Philippines - – Kalaboso ang apat na kalalakihan matapos arestuhin ng mga operatiba ng pulisya sa panghu­holdap sa mga pas­yente ng ospital sa Barangay Poblacion, bayan ng Pandi, Bulacan kamakalawa ng madaling-araw.

Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Christian Belarmino, 23; Jacob Garcia, 18; Michael Ignacio, 25; pawang nakatira sa Brgy. Pulong Buhangin sa bayan ng Sta. Maria habang ipinasa naman sa lokal na sangay ng Department of Social Welfare ang isa sa mga suspek na menor-de-edad.

Sa ulat na nakarating kay P/Chief Insp. Arwin Tadeo, nagpanggap na pasyente ang mga suspek sa Pandi Maternity and Medical Clinic nang magdeklara ng holdap bandang alauna y medya ng madaling-araw.

Iginapos ang mga biktimang sina Manuel Pagdato at Jennifer Cabarles habang ang iba naman ay nilimas ang mga personal na gamit at cash.

Lingid sa kaalaman ng mga suspek ay nagawang makahulagpos ni Cabarles sa pagkakagapos kung saan palihim na tumakas saka nakahingi ng tulong sa pulisya.

Bago pa makatakas ang mga suspek ay binulaga sila ng mga operatiba ng pulisya kung saan hindi na nakapalag.

 

Show comments