Misis tinodas ng lover na pulis

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Napatay ang 31-anyos na misis matapos itong barilin na sinasabing kanyang lover na pulis sa bahagi ng Barangay Quirino, bayan ng Bacnotan, La Union kamakalawa.

Kinilala ni P/Chief Ins­pector Reggy Dalipias, deputy chief ng Bacnotan PNP ang biktima na si Cecile Salagga Grande ng Barangay Parian, San Fernando City, La Union.

Nabatid na bago nalagutan ng hininga ang biktima ay nasambit pa nito sa mga rumespondeng pulis ang pangalan ng suspek na si PO2 Carlos Nastor na nakatalaga sa La Union Provincial PNP Office sa nasabing lungsod.

Nagtamo ng tama ng bala sa leeg ang biktima kung saan naghihingalong natagpuan ng traysikel driver kaya tumawag ng saklolo sa mga pulis.

Naisugod naman sa Bacnotan District Hospital subalit namatay din habang nasakote naman ang suspek sa inilatag na follow-up operation.

 

Show comments