Trahedya sa bangin: 4 patay, 14 sugatan

MANILA, Philippines - Apat-katao ang iniulat na namatay habang 14 naman ang nasugatan kabilang ang isang nasa kritikal na kalagayan makaraang mahulog ang isang trak sa malalim na bangin sa bahagi ng President Diosdado Highway sa Sitio Culisisi, Barangay Tagabakid, Mati City, Davao Oriental noong Lunes ng gabi.

Sa ulat ni P/Senior Supt. Jose Carumba, officer in charge sa Davao Oriental PNP, kinilala ang mga namatay na sina Joselito Campana, 49; Bonifacio Zamora at sina alyas Botyok  at Empoy na pawang nakatira sa Digos City.

Nasa kritikal namang kondisyon ang biktimang si Carlo Milan, 19, na ngayon ay nasa Davao Oriental Provincial Hospital kasama ang mga nasugatang biktima.

Inilipat naman sa Southern Philippines Medical Cen­ter ang isa pang biktima na si Neljun Silgas.

Ayon sa imbestigasyon, bumabagtas ang berdeng Isuzu Elf dropside truck (LFP 892) ni Darwin de la Cruz nang mawalan ng preno pagsapit sa nasabing lugar.

Dito na nawalan ng kontrol sa manibela ang driver kung saan nagtuluy-tuloy na nahulog sa 30-metrong lalim na  bangin ang truck.

 

Show comments