MANILA, Philippines - Milagrong nakaligtas ang 22-anyos na mangingisda matapos ang ilang araw na palutang-lutang sa nawasak na bangkang pangisda sa karagatan sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Yolanda, ayon sa opisyal kahapon. Ayon kay P/Supt Martin Gamba, Lunes ng hapon nang masagip ang mangingisdang si Bongbong Rodela sa bahagi ng karagatan ng Tandag City, Surigao del Sur. Nabatid na nanginginig na sa matinding gutom, uhaw at panghihina ang biktimang nanguyapit sa kapirasong tabla mula sa nawasak na bangka nang matagpuan. Agad na dinala ang biktima sa Adela Serra Ty Memorial Medical Center habang kinontak na rin ng Tandag City PNP ang misis at kamag-anak ni Rodela sa Socorro, Surigao del Norte upang ipaalam na ligtas na ito.