MANILA, Philippines - Dalawampung kilo ng shabu na nagkahalaga ng P100-M ang nasamsam ng pinagsanib na elemento ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon sa International Airport ng Zamboanga City nitong Biyernes ng umaga.
Ayon kay Chief Inspector Ariel Huesca, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 9 bandang alas-7 ng umaga ng makumpiska ng mga operatiba ng 89th Police Civil Aviation Security, Regional Intelligence Division 9, Zamboanga City Police, Criminal Investigation and Detection Group at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasabing bulto ng metamphetamine hydrochloride o shabu.
Ang 20 kilo ng shabu ay nasa bagahe ng isang Mohammad Daud at Salim Sabtari; pawang ng Bongao, Tawi-Tawi.
Nakabalot ang shabu sa karton ng gatas ng Alaska na may tatak na 150 gramo bawat isa na pinaglagyan nito upang hindi mapansin ng mga awtoridad.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Huesca na ang mga suspek ay patungo sa Bongao, Tawi-Tawi lulan ng Cebu Pacific na dumating sa paliparan ng Zamboanga City galing sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Sa inisyal na interogasyon sa mga naarestong suspek sinabi ng mga ito na ipinadala lamang umano sa kanila ng isang alyas Aping ng Ermita, Manila ang nasabing shabu para ibiyahe sa Sabah, Malaysia.
Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang mga suspek at patuloy rin ang imbestigasyon sa kaso.