CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines - - Brutal na kamatayan ang sinapit ng 44-anyos na ama habang kritikal naman ang anak nitong binatilyo makaraang pagbabarilin at pagtatagain ng mga di-kilalang kalalakihan sa Barangay Tanag, bayan ng Libmanan, Camarines Sur kahapon ng umaga.
Hindi na umabot ng buhay sa Bicol Medical Center ang magsasakang si Julieto Llamado habang malubha naman ang anak nitong si Joyjay Llamado, 14.
Sa ulat ni P/Chief Insp. David Diaz Reyes ng Libmanan PNP, naganap ang krimen dakong alas-11 ng umaga habang ang mag-ama ay abala sa niyugan kung saan ang lupain ay isinangla sa kanilang pamilya.
Nabatid na naunang pinagbabaril ang matandang Llamado kung saan tinangka namang saklolohan ng kanyang anak suÂbalit maging ito ay pinagtataga.
Pinaniniwalaang may kaugnayan sa lupaing naisangla sa pamilya Llamado ang naganap na krimen habang patuloy naman ang imbestigasyon.