Buhawi nanalasa sa Iloilo, Cebu

MANILA, Philippines - Umaabot sa 80 kabahayan ang napinsala habang ilang katao naman ang nasugatan sa pananalasa ng buhawi sa tatlong bayan sa lalawigan ng Iloilo at dalawang lungsod sa Cebu kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Office of Civil Defense Region  VII, bandang alas-7:45 hanggang alas-8 ng gabi ng manalasa ang buhawi malapit sa Mactan Shrine sa Lapu-Lapu City at Mandaue City, Cebu.

Isa-katao ang nasugatan sa Sitio Superior at tatlo naman sa Brgy. Looc, Lapu-Lapu City habang sampung  kabahayan ang nawasak sa Lapu-Lapu City habang nasalanta rin ang isang lugar sa Mandaue City.

Aabot naman sa siyam na kabahayan ang nawasak at 64 pa ang napinsala sa pananalasa ng buhawi sa tatlong bayan sa Iloilo.

Naganap ang insidente sa pagitan ng alas-10 hanggang alas-11 ng gabi kung saan naramdaman ng mga residente sa mga bayan ng Pavia, Oton at Barotac Nueva ang paghagupit ng buhawi.

Nabatid na nasa siyam na kabahayan ang tuluyang iginupo ng buhawi habang 40 naman ang nagtamo ng pinsala sa bayan ng Pavia at 14 kabahayan ang nawasak sa bayan ng Oton at sampu naman sa bayan ng Barotac Nueva.

Show comments