MANILA, Philippines - Binaril at napaslang ng pulisya ang 20-anyos na lalaki matapos itong maghuramentado nang manaksak ng tatlo-katao kabilang ang isang pulis sa Barangay Vet, bayan ng Ipil, Zamboanga Sibugay kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ni regional PNP spokesman P/Chief Inspector Ariel Huesca ang napatay na nag-amok na si Christopher Enguito ng Barangay Poblacion sa bayan ng Remedios Trinidad Lim.
Isinugod naman sa pagamutan ang mga sugatang sina Rosito Omelia, 20; Roldan Tuble, at si PO1 Arnel Dagatan.
Nabatid na bago maganap ang insidente ay pinasok ng suspek ang Saver’s Mart sa Barangay Vet saka kumuha ng dalawang kutsilyo at sinaksak ang dalawang biktima.
Dito na rumesponde ang mga operatiba ng pulisya na tinangkang pasukuin ang naghuhuramentadong suspek pero sinugod nito ng saksak si PO1 Dagatan.
Gayon pa man, tinangka pang manaksak ng isang sibilyan kaya dito na ito binaril ng pulisya na bagaman nagawa pang madala sa ospital ay idineklarang patay.