Trader tiklo sa arms cache

QUEZON, Philippines - - Kulungan ang binagsakan ng 57-anyos na negosyante matapos na makumpiskahan ng siyam na matataas na kalibre ng baril, mga bala at magazine ng ibat-ibang uri ng baril sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng pulisya sa Barangay Lumingon, bayan ng Tiaong, Quezon kahapon ng umaga. Nakapiit ngayon sa Camp Nakar, Lucena City ang suspek na si Gabriel Navarro Concha ng nasabing barangay. Batay sa ulat,sinalakay ng pangkat ni P/Supt Ranzer Evasco ang bahay ni Concha batay sa search warrant na inisyu ni Judge Dennis Pastrana ng Lucena City Regional Trial Court Branch 58. Nasamsam sa  suspek ang isang carbine, 5-cal. 45 pistol, isang cal. 9mm pistol, cal. 38 revolver, cal. 22 Squire Bingham, siyam na magazine ng cal.45 pistol, at 400 bala ng ibat-ibang uri ng baril. Inaalam pa ng pulisya kung may mga kaukulang dokumento ang mga baril at bala.

Show comments